Nang isang hapon sa aking buhay
Sa pagkahimbing, nagising na tunay
Kaluluwang dati’y sa layaw ay patay
Sa katwira’y bumangon, nagkaro’n ng saysay
Ito’y nagsimula nang isang hapon din
Nang ako’y ayain sa isang panuorin
Upang tignan, usisain, kilatisin
Isang mangangaral na bago sa paningin
Nang ang telebisyon ay sadyang binuksan
Iba’t-ibang mangangaral aming tinunghayan
Sa kaisipang makinig, sila ay subukan
Nguni’t ‘di nagtagal, iba’y dagling nilisan
‘Pagka’t ano ngang buti aming mapapala
Kung sarili’t-sariling turo lang ang pangaral nila
‘Di ba’t madaming tao na ang nagsalita
Aanhin namin kung ‘di Dios ang nagwika
Kaya’t talapihitan ng telebisyon muli naming ipinihit
At sa mangangaral na yao’y nagpasimulang makinig
Dangan nga lamang dahil sa aking pagkagalit
Dumoon sa isang sulok, humiga at pumikit
Sapagka’t siya’y tila naging dahilan ng aming pagtatalo
Ng tungkol sa relihiyon ng aking mahal na tito
At minsan isang hapon, sa kadugo’y nagalit na totoo
Dahil sa pangaral niyang turong Bibiliko
Gayon man sa hapong yaon, aking piniling makinig
Sa salita ng aking ina isinantabi ang aking galit
Sapagka't ‘di makatwiran nga na balika’t ay ikibit
Sa isang estrangherong ni minsa’y hindi nakaalit
Kaya’t nang ako’y waring nahihimbing
Pakinig ay bukas sa kaniyang panuorin
At sa isang iglap, sa isang saglit na taimtim
Nakarinig ng salita na ‘di sa kapwa tao galing
Matapos makarinig ng tapat na sagot
Huwad na himbing tumuloy sa pagtulog
At nang ako’y magising puso’y napahinuhod
Sa karunungang hatid ng salita Niyang mairog
Pamilya’y nabuong muli at oh anong saya
‘Pagka’t sa katwiran ay nagkasama-sama
Sa Bahay ng Dios, na Siyang Iglesia Niya
Ito’y katotohanang mababasa sa Biblia
Yaon nga ang maikling kasaysayan ng aking buhay
Nagsimula sa isang hapon ng pakikinig at pagbubulay
At muli, sa isang hapon ay nakilalang tunay
Ang Dios na lumikha ng lahat ng mga bagay
Labingtatlong taon ang nagdaan na panahon
Nang aking makita mabuting araw na yaon
Sa Iglesia’y nabautismuhan alas kwatro bente siete ng hapon
Kasabay ng dalawang libong kaluluwang sa Pampanga’y nagkatipon
Mula nga noon puso’y natutong sumunod
Sa Dios na tunay, sa ‘king buhay ay patnugot
Nawa’y makapanatili sa aking paglilingkod
Hanggang sa hininga’y tuluyan nang malagot
Nawa hanggang doon pasalamat ay maihandog
Isang masamyong hain, na totoong nakalulugod
Sa Dios na tapat at tunay, sa lahat ng tao’y may pag-irog
Siyang nararapat paglingkuran at ibigin nang lubos
Kaya maging sa hapon, umaga, o katanghalian man
Na tao’y tawagin ng Dios sa Kaniyang kaharian
Nawa ay tumugon sa Dakilang Lumalang
Sa Kaniya ang karangalan, at lahat ng kapurihan!
Comments
Post a Comment